Binibining Juliet, Shenzen Orchid, at iba pa: Mga Bulaklak na Walang Katumbas ang Halaga

SINUSURIAN ng mga eksperto sa botanika at mga kolektor ng bulaklak ang ilan sa pinakapinag-iinteresan at pinakamahalagang mga tanim sa mundo, na nagpapakita ng kagandahan, pambihirang katangian, at nakakagulat na halaga ng mga ito. Mula sa bulaklak na nagkakahalaga ng milyun-milyon hanggang sa mga tanim na halos hindi na nakikita, ang mga natatanging bulaklak na ito ay sumasalamin sa kasukdulan ng antas ng paglilinang, pagsasaliksik, at kultural na kahalagahan.

Ang Rosas na Nagkakahalaga ng Milyon

Nangunguna sa listahan ng mga pinakamahal na bulaklak ang Juliet Rose, na ipinakilala noong 2006 sa Chelsea Flower Show. Ang rosas na ito, na nilikha ng rosas breeder na si David Austin, ay sinasabing nagkakahalaga ng humigit-kumulang £3 milyon (mga $5 milyon) ang pagpapaunlad sa loob ng labinlimang taon. Bagamat mas mababa na ang presyo ngayon, ang mataas na halaga nito sa simula ay nagpapakita ng matinding pagsisikap at henyo sa likod ng paglikha ng perpektong rosas. Kilala ang Juliet Rose sa malalaki at hugis-tasa nitong mga talulot na nagbibigay ng kakaibang romantikong dating.

Samantala, mayroon ding mga bulaklak na hindi mabibili—ang Kadupul Flower (Epiphyllum oxypetalum) mula sa Sri Lanka. Itinuturing itong “walang halaga” dahil hindi ito nabibili; bumubuka lamang ito sa gabi at nalalanta bago sumikat ang araw. Ang pambihirang bulaklak na ito, na may espirituwal na kahulugan sa Budismo bilang simbolo ng pagka-Diyos at panandaliang buhay, ay lubos na pinahahalagahan dahil sa karanasan ng panonood sa maikli nitong pamumulaklak.

Mga Bulaklak Bilang Simbolo ng Kayamanan at Agham

Napakataas din ng presyo ng mga bulaklak na bunga ng matinding siyentipikong pag-aaral. Ang Shenzhen Nongke Orchid, isang artipisyal na nilinang na orchid mula sa Tsina, ay naibenta noong 2005 sa halagang 1.68 milyong yuan (mga $224,000)—ang pinakamataas na presyo na naitala para sa isang bulaklak. Tumagal nang walong taon ang paglilinang dito ng mga mananaliksik, at apat hanggang limang taon bago ito mamulaklak.

Ayon sa mga eksperto, ang napakataas na presyo ng Shenzen Nongke Orchid ay nagpapakita ng pagsasanib ng kainggitan, siyentipikong tagumpay, at ang katayuan sa lipunan na kaakibat ng pag-aari ng isang napakabihirang tanim.

Ang isa pang kamangha-manghang orchid ay ang Rothschild’s Slipper Orchid (Paphiopedilum rothschildianum), na tinatawag ding “Gold of Kinabalu.” Lumalaki lamang sa Mount Kinabalu sa Malaysia, aabot sa $5,000 ang halaga ng bawat isa. Kailangan ng 15 taon bago ito mamulaklak at itinuturing itong nanganganib na maubos. Ang pagsisikap ng mga conservationist na protektahan ang mga ito ay bahagi ng patuloy na pag-iingat sa mga pambihirang species.

Iba Pang Tanim na may Kakaibang Halina

Hindi lamang kagandahan ang basehan ng halaga. Ang Saffron halimabawa, na ginagamit bilang pampalasa, ay nagmumula sa pistil ng Crocus sativus na bulaklak. Dahil sa masinsinang proseso ng pagkuha — halos 150,000 bulaklak ang kailangan para makagawa ng isang kilong tuyong saffron — nagkakahalaga ito ng hanggang $5,000 bawat libra, na nagpapakita ng malaking halaga nito sa komersiyo.

Sa kabilang dako, ang Corpse Flower (Amorphophallus titanum) ay hinahabol ng publiko dahil sa kakaiba nitong pamumulaklak. Kilala ito sa pagiging pinakamalaking bulaklak sa mundo, na tumatagal lamang ng 24 hanggang 48 oras ang pamumulaklak, madalas kada sampung taon. Bagamat amoy bulok na karne, dinudumog ng mga manonood ang mga botanikal na hardin upang masaksihan ang pambihirang tanawing ito.

Ilan sa mga pinakabihirang bulaklak sa mundo ay kinabibilangan ng Middlemist’s Red Camellia, na mayroon lamang dalawang nakikitang halaman sa New Zealand at Great Britain, at ang Chocolate Cosmos (Cosmos atrosanguineus), na wala na sa ligaw at may natitira na lamang na mga clone. Ang mga pambihira at maalamat na bulaklak na ito ay patuloy na nagpapaalala sa mga tao ng kahalagahan ng pag-iingat, pag-aaral, at ang pambihirang biyaya ng kalikasan.


online flower shop hk